Mantsa
Malamig ang gabi
Malungkot ang katahimikan
Sa malapit na poso, ang dalaga
Ay maaaninag na naglalaba
Kuskos ng mga kamay
Ang punit na palda
Habang ang luha'y
Di mapigil ang patak
Kuskos
Kuskos
Kuskos
Nang ang dugong mantsa'y mawala
Para ikubli ang kasamaang kumapit
Kuskos
Kuskos
Kuskos
Lakas ay pilit na ibinubuhos
Kahit katawan ay patang-pata
Kuskos
Kuskos
Kuskos
Habang ikinukubli ng gabi
Ang bangungot ng katanghalian
Habang ang bilog na buwan
Ay pipi at bulag sa pangyayari
Kuskos
Kuskos
Kuskos
Nang bumalik ang dating linis
At mabura ang kung anong masama
Na para bang hapding mapapawi
Sa bawat pagkuskos

0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home